Pormal nang nagsampa ng reklamo ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa kumpanyang AC Energy at dalawa pang indibiduwal kaugnay ng nangyaring oil spill sa bahagi ng Iloilo City.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, kasong paglabag sa Republic Act 8550 as amended by RA 10654 ang kanilang isinampa dahil sa nangyaring matinding pagdumi sa karagatan.
Maliban sa AC Enery kabilang sa respondents ang presidente ng kumpanya na si John Eric Francia at plant manager ng Power Barge 102 na si Roberto Gambito.
Hulyo 3 nang magkaroon ng oil spill sa karagatang sakop ng Lapuz sa Iloilo City matapos masira ang fuel tank ng Power Barge 102.
Umabot naman ang oil spill hanggang sa bahagi ng probinsiya ng Guimaras.
Samantala tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kanilang papatawan ng multa ang mag-ari ng nasirang barge.