Nagbanta si Senador Manny Pacquiao na ipaaaresto niya ang mga i-isnab sa imbestigasyon sa di umano’y ghost right of way project sa General Santos City.
Simula ngayon at bukas ang itinakdang pagdinig ng Senate Committee on Public Works na pinamumunuan ni Pacquiao sa General Santos City.
Napag-alaman sa tanggapan ni Pacquiao na nasa pitumpu (70) ang imbitado sa pagdinig kasama ang mga lokal na opisyal ng Gen San.
Pinadalhan naman ng subpoena ang mga person of interest tulad ng mga regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2007 hanggang 2015, mga dating opisyal ng Land Registration Authority (LRA), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pa.
Hindi naman malinaw kung subpoena ang ipinadala kay dating DPWH Secretary Rogelio Singson na nauna nang kinasuhan ng nbi dahil sa naturang kontrobersya.
Sa panayam ng DWIZ, tiniyak ni Pacquiao na hindi niya tatantanan ang isyu hanggang hindi napapanagot ang mga sangkot.
Batay aniya sa pauna nilang pag-aaral, aabot sa P8.7 billion pesos ang sangkot na pondo at halos 3 bilyong piso ang nailabas na pera para sa pekeng right of way.
“Pare-parehong sukat lahat ng mga tatlumpung (30) titulo, iba-ibang tao, tapos isang tao dalawang titulo ang hawak, ang address may Pasig, may Makati, may San Juan, ang sabi ko hindi namin kilala ‘yan dito kasi taga-Gen San ako eh, abangan ninyo hinding-hindi ko palulusutin ang mga involved dito.” Pahayag ni Pacquaio
(Ratsada Balita Interview)