Pinatitiyak ng pamahalaang lungsod ng Marikina na COVID-19 free ang lahat ng mga manggagawa ng sapatos sa kanilang lungsod.
Ito ang dahilan kaya’t tuloy-tuloy ang ginagawang swab testing sa mga sapatero ng Marikina bilang paghahanda sa transition mula sa ECQ patungong modified ECQ epektibo ngayong araw, Mayo 16.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, bilang bahagi ng new normal, dapat makatiyak na lahat ng mga magbabalik na sa kanilang kinabibilangang industriya ay dapat walang bahid ng anumang virus.
Kasunod nito, babantayan din ng alkalde kung nasusunod ba ang 50% ng mga empleyado ang papasok upang masunod ang social distancing.
Ang Marikina City ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa bansa na pinayagang magkaroon ng sariling molecular diagnostic and testing laboratory para sa COVID-19.