Nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng mga naka-deploy na sasakyan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ang nilinaw ni MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago kasunod ng report ng commission on audit kung saan lumabas na lagpas kalahati ng mga sasakyan ng ahensiya ang hindi nakarehistro.
Ayon kay Pialago, lahat ng bumibiyahe at nakikitang sasakyan ng MMDA na dumaraan sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila ay may rehistro.
Paliwanag ni Pialago, tinutukoy sa report ng COA ang lahat ng mga pag-aaring sasakyan ng MMDA kabilang na ang mga hindi na gingamit.
Gayundin aniya ang mga sasakyang isinubasta o nabili na sa auction, pero hindi pa lamang naaalis sa kaniulang listahan, mga nakatakdang ayusin at mga sasakyang kinakailangan nang itapon.
Una rito nakatanggap ng mga batikos ang mmda kasunod ng ulat ng COA kung saan sinasabing mismong ang mmda na nagpapatupad dapat ng batas trapiko ang sumusuway dito.