Naglagay ng mga satellite registration ang Commission on Election (COMELEC) sa ilang mga mall sa lungsod ng Maynila.
Layunin nitong matiyak na maipatutupad ang minimum public health standards laban sa COVID-19 at matugunan ang humahabang pila sa COMELEC Field Office sa nabanggit na lungsod.
Para sa lahat ng barangay ng Manila 1st at 4th district, maaaring magtungo sa SM Manila na una nang nagsimula noong Hulyo a-7 na tatagal hanggang Hulyo a-23.
Ang mga residente naman ng Manila 5th district ay maaaring magtungo sa Robinson’s Manila; Robinson’s otis para naman sa lahat ng barangay ng 6th district; at Lucky Chinatown mall para sa lahat ng barangay ng Manila 3rd district na tatagal lang hanggang Hulyo a-16.
Samantala, ang lahat naman ng barangay sa Manila 3rd district ay maaaring magtungo sa SM San Lazaro na magsisimula sa Hulyo a-18 hanggang a-23.
Ayon sa COMELEC, ang voter registration sa mga nabanggit na malls ay sinisimulan tuwing Lunes hanggang Sabado at kahit holiday, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.