Dapat na bigyan din ng gobyerno ng hazard pay ang mga guwardiya at ang mga tagapag-maintain ng kalinisan ngayon ng mga pampublikong ospital.
Ito’y ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto ay dahil katulad din ang mga ito ng mga medical frontliners na lantad sa panganib na mahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil sa pagtatrabaho sa mga ospital at napakaliliit pa ng kanilang sahod.
Kabilang sa pinabibigyan ng hazard pay, bukod sa mga gwardya at janitor, ang mga sanitation workers, housekeepers at mga equipment at building maintenance staff – na kapag aniya nawala ay magco-collapse ang mga pampublikong ospital.
Diin ni Recto, kung nagbibigay ang gobyerno ng ayuda sa mga tao para lang huwag lumabas ng bahay lalong dapat mabigyan ng ayuda ang mga buwis-buhay na nagtatrabaho sa ospital.
Pwede aniyang gumawa ng batas para rito ang Senado at Kamara, sa pakikipagkonsultasyon sa Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM).
Pero mas magiging mabilis ang pagbibigay ng tulong kung mag-iisyu ang Pangulo ng kautusan.