Isasara na rin sa darating na undas ang mga sementeryo sa Madaluyong City at Angeles City sa Pampanga.
Ito ay bilang bahagi ng mga ipinatutupad na preventive measures ng dalawang lokal na pamahalaan sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon sa Mandaluyong Public Information Office, asahan na ngayong linggo ang ipalalabas na Executive Order ni Mayor Menchie Abalos hinggil sa pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo sa lungsod mula October 30 hanggang November 2.
Kabilang sa mga maaapektuhan nito ang San Felipe Neri Catholic Cemetery, Paradise Park at Garden of Life Cemeteries.
Samantala, nakasaad naman sa ipinalabas na Executive Order Number 19 ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr., isasara rin mula October 30 hanggang November 2 ang mga sementeryo sa lungsod.
Sinabi ni Lazatin, bagama’t nirerespeto ng lokal na pamahalaan ang tradisyun ng mga Filipino na pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay, kinakailangan aniya maunawaan ng kanyang mga nasasakupan ang banta ng panganib dulot ng COVID-19.
Una nang ipinag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pagsasara ng mga sementeryo sa lungsod simula October 31 hanggang November 31.