Binali ni Manila Mayor Isko Moreno ang tradisyunal na paggunita sa araw ng mga patay.
Ito ay matapos ipagutos ni Moreno ang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo sa Maynila mula October 31 hanggang November 3.
Sa kaniyang Facebook live ipinaliwanag ni Moreno na layon ng kaniyang direktiba na maiwasan ang kadalasang pagsisisiksikan ng mga bumibisita sa mga sementeryo tuwing araw ng mga patay.
Maaga aniya niyang inanunsyo ito para mabigyan ng sapat na panahon ang mga Manilenio na makabisita sa mga mahal nila sa buhay na nakahimlay sa mga sementeryo sa lungsod.
Humingi na rin ng pasensya ang alkalde dahil malaking hamon sa kanila ang pagpapatupad ng physical distancing na bahagi na rin ng new normal.
Gayunman sinabi ni Moreno na kaagad naman niyang babawiin ang kautusan sakali mang magkaruon na kaagad ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ibinahaging datos ni Moreno umaabot sa 1.5 milyon ang bumibisita sa Manila North Cemetery at 800,000 naman sa Manila South Cemetery.