Dismayado ang mga senador sa aksyon ng University of Santo Tomas o UST para pigilan ang hazing activities sa kanilang paaralan.
Sa pagpapatuloy ng senate hearing ukol sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na walang kaalam-alam ang unibersidad na may nangyayari nang hazing.
Ang masaklap pa aniya sa nangyari ay naging kapalit ng kapabayaang ito ng UST ay buhay ng isang estudyante.
Kasabay nito, iginiit ni Senador Juan Miguel Zubiri na hindi na sana na-engganyo pang sumali sa Aegis Juris si Castillo, kung nalaman nitong hindi pala recognized ng UST ang naturang grupo.
Binigyang – diin ni Zubiri na nagawa pang makapag-recruit ng Aegis Juris ng mga freshmen sa kabila ng kabiguan nitong makapasa sa accreditation process.
Samantala, itinanggi ng family driver ng pamilya Trangia na si Romeo Laboga na siya ang nagmaneho ng pulang pick-up para dalhin sa Chinese General Hospital o CGH ang hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.
Sa pagharap ni Laboga sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng senado, iginiit nitong kasama niya ang kanyang among si Antonio Trangia sa Meycauayan, Bulacan nang mangyari ang insidente.
Sa huli, natukoy ni Senadora Grace Poe na ang drayber pala ng akusadong si Arvin Balag ang nagmaneho ng pulang pick up ng mga Trangia.