Nakatakdang maghain ng resolusyon ang Minority Bloc ng Senado para ipatawag at pagpaliwanagin si Justice Secretary Vitaliano Aguirrea.
Kaugnay ito sa ginawang pagpapababa sa kasong homicide mula sa murder laban kina CIDG Region 8 Director Supt. Marvin Marcos at sa 19 na kasamahan nito na mga akusado sa pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, hindi nila hahayaang patuloy na paglaruan ni Sec. Aguirre ang sistema ng katarungan sa bansa kaya’t pangungunahan niya ang paghahain ng resolusyon hinggil dito.
Handa naman si Senador Panfilo Lacson na maging co-author ng nasabing resolusyon bilang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na siyang nagrekumenda sa kasong murder na dapat isampa laban sa grupo ni Marcos.
Kasunod nito, hinimok ni Minority Leader Franklin Drilon ang kaniyang mga kasamahan sa Senado na manindigan at kundenahin ang naging hakbang na ito ng DOJ.
By: Jaymark Dagala / Cely Bueno