Handa ang mga senador na humarap sa publiko upang ipaliwanag ang kanilang posisyon sa isinusulong na Charter Change patungo sa federalismo.
Ito ang tugon ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon sa panawagan sa publiko ni House Speaker Bebot Alvarez na huwag iboto ang mga senador na tutol dahil katumbas umano ito ng pagkontra sa benepisyo na tatamasahin ng bansa sa ilalim ng sistemang pederal.
Ayon kay Drilon, ang tunay na issue na kino-kontra ng mga senador ay ang paspasang pagsusulong ng Kamara sa Cha-Cha kung saan nais nitong isantabi ang konsultasyon sa publiko.
Inihayag naman ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na hindi niya ikinababahala ang banta ni Alvarez dahil hindi naman ipinagbabawal ang negatibong pangangampanya.
Tiniyak ni Sotto na ikakampanya niya ang kanyang mga susuportahang senatorial candidate sa 2019 elections.
Batay aniya sa kanyang karanasan ay hindi nakabubuti ang negative campaigning subalit ibang usapin na kapag isang pulitiko na may mataas na trust rating ang mag-kampanya laban sa kapwa pulitiko.
Ulat ni Cely Bueno