Tiwala si Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na hindi makakaapekto at makapagpapabago sa posisyon ng nakakaraming senador na kontra sa death penalty ang resulta ng SWS Survey kung saan maraming Pilipino ang pabor sa parusang kamatayan.
Ito ayon kay Drilon ay dahil ibinase sa prinsipyo ng mga senador ang pagtutol sa muling pagpapatupad ng death penalty.
Sinabi ni Drilon na naniniwala siyang ang resulta ng SWS Survey ay pagpapakita lamang nang pagka-dismaya ng publiko sa mahinang justice system at hindi talaga ito pag-endorso ng panukalang buhayin ang parusang kamatayan.
Subalit iginiit naman ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na vox populi vox dei o tinig ng publiko ay tinig ng Diyos.
Inihayag ni Sotto na posibleng ikunsider ng mga senador lalo na ng mga re-electionist ang nasabing SWS survey result.
Samantala, hindi naman aatras si Senador Francis Pangilinan sa pagtutol niya sa pagbuhay sa death penalty.
Sinabi ni Pangilinan na gagawin at paninindigan niya kung ano sa tingin niya ang tama at hindi siya magpapadala sa kung anuman ang popular.
Ayon kay Pangilinan, noong 2006 ay bumoto sila sa pagpapawalang bisa ng parusang kamatayan hindi dahil ito ang popular kundi ito ang nakita nilang dapat gawin sa paniniwalang hindi solusyon ang parusang bitay sa kriminalidad.
Subalit para naman kay senador JV Ejercito, dapat niyang pakinggan at sundin ang sentimiyento ng publiko bilang isang halal ng bayan.
Inamin ni Ejercito na lamang ang anti-death penalty senators subalit ipaglalaban aniya nila ang pagpasa nito para matapos na rin ang problema sa iligal na droga.
By Judith Larino |With Report from Cely Bueno