Hati ang ilang Senador sa usapin kung dapat na nga bang magbitiw sa puwesto o maaga nang magretiro si PNP Chief General Oscar Albayalde.
Ito’y matapos masangkot sa kontrobersiya hinggil sa mga ninja cops.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, hindi siya nakuntento sa naging paliwanag ni Albayalde dahil hindi nito direktang nasagot ang isyu.
Sinabi naman ni minority leader Franklin Drilon na dapat lamang ikunsidera ni Albayalde ang pagbibitiw dahil nadungisan na aniya ang posisyon nito bilang PNP chief.
Para naman kay Senador Panfilo Lacson, hindi praktikal na maagang magretiro si Albayalde dahil maikli na lang aniya natitirang panahon nito sa panunungkulan.
Wala rin aniyang maipresentang direktang ebidensiya sa pagkakasangkot ni Albayalde sa kontrobersiya.
Maging si Senate President Vicente Sotto III, walang nakikitang batayan na mag-uugnay kay Albayalde sa mga ninja cops. -– ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)