Hati ang ilang mga senador sa usapin kung dapat na bang magretiro o magpatuloy pa sa boxing si Pambansang Kamao Manny Pacquiao.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, mas mainam na iwan ni Pacquiao ang boxing habang pinapalakpakan pa siya ng mga manonood.
Para naman kay Senator JV Ejercito, wala nang dapat patunayan pa si Pacquiao dahil kinikilala na siya bilang isa sa pinakamahusay at isang living legend sa larangan ng boxing.
Aniya, nag-aalala siya sa tuwing lalaban ang kaibigang senador dahil alam ng lahat na isang delikadong sports ang boxing.
Sinabi naman ni Senador Trillanes na hangga’t sa tingin ni Pacquiao ay kaya niya pang lumaban ay hayaan na lamang para patuloy na makapagbigay karangalan sa bansa.
Iginiit naman ni Senador Ralph Recto na nasa kamay na ng Pambansang Kamao ang pagde-desisyon dahil alam nito kung anong makabubuti sa kanya, sa kanyang pamilya, sa boxing at maging sa kanyang mga taga-hanga.
Sa tingin naman ni Senator Tito Sotto ay nararapat na magkaroon ng rematch sa pagitan ni Pacquiao at Autralian boxer na si Jeff Horn.
Pacquiao ninakawan ng tagumpay
Naniniwala sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senador Antonio Trillanes na inagawan at ninakawan ng tagumpay si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa laban nito kontra sa Australian boxer na si Jeff Horn.
Ayon kay Recto, dapat na masibak ang mga naging hurado sa laban nina Pacquiao at Horn dahil malinaw naman aniya na ang Pambansang Kamao ang nanalo.
Sang-ayun naman si Trillanes sa obserabsyon ng nakararami na ninakaw ng mga judge ang panalo ni Pacquaio sa kanyang naging laban.
Gayunman sinabi ni Trillanes na natalo man ang Pambansang Kamao laban kay Horn ay mananatili siyang fan nito sa larangagan ng boxing.
By Krista De Dios | With Report from Cely Bueno