Hati ang mga mambabatas sa muling pagsusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na buhayin ang parusang death penalty para sa mga heinous crimes kaugnay sa iligal na droga at maging sa kasong plunder na kaniyang binanggit sa kaniyang State of the Nation Address o SONA.
Ayon kay Senate Pres. Vicente Sotto III, susubukan niyang kumbinsihin ang iba pang mambabatas para maipasa ang naturang panukala.
Maganda naman aniya ang naging panukala ng pangulo dahil naka pokus ito sa pinakamalalang krimen kaugnay sa iligal na droga.
Sinabi naman ni Sen. Ronald Bato Dela Rosa na pabor siya sa isinusulong ng pangulo gayunman batay aniya sa kaniyang bersyon ng death penalty bill, limitado lamang sa drug related crimes ang naturang parusa at hindi kasama ang plunder.
Ganito rin ang paninidigan ni Sen. Aquilino Pimentel kung saan aniya susuportahan niya ang pagbuhay sa parusang kamatayan kung lilimtahan lamang ito sa mga kaso na kaugnay sa iligal na droga.
Paniwala naman nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Sen. Grace Poe, mahihirap lamang ang maapektuhan ng isinusulong na panukala dahil sa anila’y depektibong justice system sa bansa.
Para naman kay Sen. Risa Hontiveros hindi sagot ang capital punishment para mabawasan ang krimen sa bansa.