Hati ang pananaw ng mga senador hinggil sa panukalang ‘people’s initiative’ para maisalba ang prangkisa ng ABS-CBN.
Para kay Senate President Vicente Sotto III, imposible itong maisagawa dahil ang mga private bills aniya ay dapat na manggaling lang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon pa kay Sotto, hindi tiyak kung mayroon bang pondo para dito ang Commission on Elections (COMLEC) at kung ito ba ay naaayon sa konstitusyon.
Gayuman, sinabi ni Sotto na sakaling maisakatuparan ito ay handa siyang makiisa at pumirma dito.
Naniniwala naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na isa ang people’s initiative sa paraan para mabigyan ng pag-asa ang prangkisa ng media network.
Sinabi ni Drilon na walang partikular na batas ang tinukoy sa konstitusyon na maaari lamang maipasa ng taumbayan sa pamamagitan ng people’s initiative.