Walang batayan ang panawagang pagbibitiw sa puwesto kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Iyan ang iginiit ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto kasunod na rin ng kinahaharap na gusot ng Pilipinas sa bansang Kuwait.
Ayon kay Recto, walang dahilan para pagbitiwin sa puwesto si Cayetano dahil ginagawa lamang ng kaniyang mga tauhan ang kanilang trabaho na iligtas ang mga inaabusong pilipino sa kamay ng kanilang mga amo.
Bagama’t aminado si Recto na mali ang hakbang na i-upload sa social media ang video ng pag-rescue, sinabi nito na hindi rin tama para ikonsiderang diplomatic error upang gamitin laban sa kalihim.
Sa panig naman ni Senadora Leila De Lima, sinabi nito na dapat pakinggan ni Cayetano ang apela ng kaniyang mga tauhan at dapat na itong magbitiw sa puwesto.
Hindi aniya angkop si Cayetano para maging top diplomat ng bansa dahil sa nagkalamat na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.