Hati ang mga Senador sa naging pahayag ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon hinggil sa kapalaran ng panukalang ibalik ang parusang bitay sa Senado.
Ito’y makaraang ideklara kahapon ni Drilon na maituturing nang patay sa Senado ang nasabing panukala dahil sa marami aniyang mga Senador ang boboto kontra rito.
Ayon kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, tila nagsisilbi nang manghuhula o di kaya’y tagapagsalita ng mga Senador si Drilon.
Giit ni Sotto, hindi nakatitiyak si Drilon sa kaniyang mga sinasabi at baka magulat iyon kapag lumabas na ang resulta ng botohan.
Suportado naman ni Senador Antonio Trillanes IV ang pahayag ni Drilon lalo’t una nang nagpahayag ng pagkontra rito sina Majority Senators Richard Gordon at Juan Miguel Zubiri.
Sa panig naman ni Senate President Koko Pimentel, kanilang susubukan kung makalusot sa Senado ang death penalty kung saan sila magsasagawa ng debate hinggil sa nasabing panukala.
By: Jaymark Dagala / Cely Bueno