Labis na ikinatuwa at ipinagpasalamat ng mga senador ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Free College Education Bill.
Sa kabila ito ng pagtutol ng ilang Economic Managers ng Malakanyang dahil hindi anila, kakayanin ng pamahalaan na pondohan ito.
Iginiit nina Senator Sonny Angara at Nancy Binay ang pagtutulungan ng Kongreso, Ehekutibo at mga Educational Institution para matiyak ang pagpapatupad ng lahat ng probisyon sa Free College Education Bill.
Ayon kay Angara, kapuri-puri ang ginawang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing panukalang batas sa kabila nang rekomendasyon ng kanyang Economic Managers.
Ani Angara, dahil dito magiging abot kaya na ang edukasyon at pangarap ng mga kabataang magkaroon ng magandang kinabukasan at buhay.
Sinabi naman ni Binay na magtutulungan ang mga Senador at DBM o Department of Budget and Management para makapaglaan ng kinakailangang pondo para sa epektibong pagpapatupad ng Free College Education Bill.
Ayon kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, isang napakagandang araw ito para sa Philippine Education dahil mabibigyan na ng pagkakataon ang mga kabataan na makapag-aral ng libre sa SUC’s o State Universities and Colleges.
Ikinatuwa naman ni Senator JV Ejercito bilang isa sa prinicipal ng author ng Free Higher Education for Act na makakapag-aral na ang mga mahihirap pero karapatdapat na mga estudyante sa SUC’s.
Dagdag ni Ejercito, isa itong magandang investment para mas maging mahusay ang mga human resources ng bansa.
Ikinatuwa rin ni Senate Committee on Education Chairman Chiz Escudero ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Free College Education Bill.
Ayon kay Escudero, magiging isang pangmatagalan at magandang legacy ni Pangulong Duterte at ng kanyang administrasyon ang pagkakaroon ng libreng matrikula sa State Universities and Colleges.
Malaki aniya, ang maitutulong ng naturang batas sa mga kabataang Pilipino na nais makapagtapos ng kanilang pag-aaral.
Si Escudero ang unang nagsabi na kagabi pa pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Free College Education Bill at hindi i-venito.