Naglabas ng pahayag ang mga senador hinggil sa isyu ng “home visit” ng mga Pulis sa mga media personality.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, nagsimulang magkaroon ng pangamba ang mga mamamahayag matapos ang pagbaril-patay sa batikang broadcaster-columnist na si ka-Percy Lapid.
Sa pahayag naman ni Senator Sherwin Gatchalian, dapat imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kung sino ang mga nasa likod at kung papaano nalalaman ng mga Pulis ang home address ng mga mamamahayag.
Samantala, palaisipan naman para kay Senator Jinggoy Estrada ang pagbisita ng mga sibilyang Pulis na hindi umano nagpapakilala at walang iniiwan na kahit anong impormasyon.
Ayon kay Estrada, kataka-taka ang ginagawang kilos ng mga Pulis dahil hindi umano dumiretso ang mga ito sa mga media company kung saan, kanilang nilabag ang Data Privacy Act ng mga media personality.
Iginiit pa ni Estrada na dapat managot ang mga nasa likod ng insidente kung saan, maging ang pamilya ng mga mamamahayag ay nangangamba narin para sa kanilang kalagayan.