Naglabas ng kaniya-kaniyang reaksyon ang mga mambabatas kaugnay sa ika apat na state of the nation address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Para kay Aen. Grace Poe, ikinatuwa niya ang mga pagsusulong ng pangulo na maitayo ang Department of OFW, Department of Disaster Resilience at National Land Use Act.
Nagustuhan din aniya niya ang pagbanggit ng pangulo na tumutulong ang local government unit, mayor at governor na maisa-ayos ang kalsada para mabawasan na ang problema sa trapiko.
Binigyan naman ng 98 porsyentong grado ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang SONA ng pangulo.
Ayon kay Dela Rosa, nais niya sanang gawing 100 porsyento ngunit tila lalabas naman siyang masyadong sipsip kung magiging perpekto ang kaniyang ibibigay na marka.
Samantala, dismayado naman si Sen. Risa Hontiveros sa naging SONA ng pangulo dahil tila aniya lumabas na kinatawan ito ng China at hindi bilang presidente ng Pilipinas.
Ani Hontiveros, 22 over 100 ang kaniyang ibibigay na grado na bilang din umano ng mga mangingisdang bigong maipagtanggol ni Pangulong Duterte.
Nagustuhan naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang hindi pagbanggit ng punong ehekutibo sa constitutional amendments.