Nagsimula na ang mga Senador sa pagsusukat ng mga robe na kanilang isusuot sakaling magsimula na ang impeachment trial laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Gayunman, inihayag ni Senador Joel Villanueva na bagama’t nagsisimula nang maghanda para rito ang Senado na gaganap bilang impeachment court, hindi pa ito dapat ang kanilang maging prayoridad sa ngayon.
Sinabi ng Senador na marami pang mga panukalang batas na dapat tutukan ang Senado tulad na lamang ng Universal Health Care Bill, pagdaragdag ng mga trabaho at po-protekta sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.
Nag aalala naman si Senador Sherwin Gatchalian na posibleng matuon ang kanilang oras sa impeachment sa halip na atupagin nila ang mga panukalang batas at mga imbestigasyon in-aid of legislation sa ilang mga isyu.
Gayunman, aminado si Gatchalian na dapat pa rin nilang gawin ang kanilang mandato para sa bayan sa ilalim ng saligang batas kaya’t wala silang magagawa kung hindi gawin ito.
Jaymark Dagala / Cely Ortega-Bueno / RPE