Umarangkada na kaninang umaga ang metrowide shake drill.
Eksakto alas-10:30 kaninang umaga, sabay-sabay na tumunog ang mga sirena, kampana ng simbahan at fire alarm na isinahimpapawid din ng mga istasyon ng radyo’t telebisyon bilang hudyat ng pagsisimula ng shake drill.
Layon ng earthquake drill na mapaghandaan ang paggalaw ng West Valley Fault na posibleng magdulot ng 7. 2 magnitude na lindol na ibinabala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA kasama ang Armed forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at iba pang sangay ng pamahalaan at pribadong sector, naisakatuparan ang mga tamang pagtugon sa posibleng pagtama ng malakas na lindol.
Ang Metro Manila ay nahati sa apat na quadrant kung saan ay may iba’t ibang scenario gaya ng pagguho ng bahay o gusali, pagbagsak ng mga tulay at poste ng kuryente, sunog, search and rescue operations, pagdadala sa mga pasyente sa ospital at pagpapalikas sa mga residente.
By Ralph Obina
Photos Here:
Photos Courtesy of: DWIZ Reporters
Palasyo
Limang minuto (5) lamang ay nakalabas na ang mga tao sa loob ng executive building ng Palasyo ng Malacañang sa isinagawang metrowide shake drill, kaninang umaga.
Maliban sa mga kawani ng Palasyo, sumama din sa drill ang mga empleyado ng iba pang tanggapan ng pamahalaan na nasa labas ng compound.
Ang mga kawani ng Palasyo ay agad nagtungo sa parking area.
Ayala
Nagkaroon ng mass evacuation mula sa isang gusaling kunwaring nasunog sa isinagawang metrowide shake drill sa Ayala Center, kaninang umaga.
Ayon sa isa sa mga kunwaring biktima, naging magulo ang kanilang paglabas sa opisina dahil nagkanya-kanya sila, subalit nakatulong ang pagdating rescue workers, na tumulong sa kanilang paglabas.
Sa isinagawang shake drill, nagtalaga ng pitong sectors sa Ayala Center, at ang bawat isang bahagi ay mayroong commander na siyang magrereport sa pangkalahatang incident commander ng mga nangyayari.
Senado
Inabot naman ng 10 minuto bago nakalabas ang lahat ng empleyado ng senado sa ginawang metrowide shake drill, kaninang umaga.
Agad nagtungo ang mga empleyado ng senado sa basketball court, na nagsilbing pick-up point para maihatid ang mga biktima sa command center sa Aseana.
Matapos ang drill, muling pinaalalahanan ni Senate Sgt. at Arms Ret. Gen. Jose Balajadia ang Senate employees hinggil sa mga dapat gawin sakaling nagkalindol, kabilang na ang pag-iwas sa mga bakal na hagdan sa fire exits.
By Katrina Valle