Nilinaw ng pamahalaan na hindi kasama sa opsiyonal na pagsusuot ng facemask ang mga senior citizen at may mga karamdaman.
Kasunod ito ng naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) kay Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa pagluwag sa paggamit ng face mask sa outdoor spaces sa buong bansa.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, hindi kasali sa mga magtatanggal ng face mask sa mataong lugar na mayroong maayos na bentilasyon ang mga senior citizen at mga may malubhang karamdaman.
Sa kabila ng pagsang-ayon ng malacanang, hinihikayat nito ang publiko na ipagpatuloy parin ang pagsusuot ng facemask dahil nananatili parin ang banta ng covid-19.
Sinabi ng kalihim na kung sakaling makikitang mataas na ang bilang ng mga pilipinong nagpa-booster shot laban sa covid-19, magkakaroon ng pilot test sa huling quarter ng taon para sa mandatory na pag-aalis ng face mask.
Samantala, nilinaw naman ni Cruz-Angeles na wala pang polisiya ang pagluluwag sa pag-aalis ng paggamit ng face mask bagkus ay rekomendasyon pa lamang ito sakanila ng iatf.
Sa naging pahayag naman ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sinabi niya na sang-ayon si Pangulong Marcos sa rekomendasyon ng IATF subalit kailangan munang maglabas ng executive order para maging epektibo ang mandatoryong pag-aalis ng face mask sa pampublikong lugar.