Walang diskwento sa delivery fees ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) pagdating sa kanilang mga online transactions.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) assistant secretary Rommel Lopez, saklaw lamang ng mga diskwento para sa mga online transaction ng mga Senior Citizen at PWD ang mga pangunahing bilihin, mga mahahalagang produkto at mga serbisyo.
Matatandaan na ilang ahensya ng gobyerno ang nag-isyu ng joint memorandum circular na naglalayong mabigyan ng 20% discount ang mga senior citizen at mga may kapansanan, kasama na dito ang dagdag na 8% Value-Added Tax (VAT) exemption para sa kanilang mga online purchases, phone calls, at mobile applications.
Pahayag ni Lopez, hindi naka-itemize ang delivery charges para sa mga binibiling produkto online ng publiko.
Gayunman, kasama sa mga mayroong diskwento, ang mga gamot at mga medikal na suplay na pinahihintulutang bilhin ng Department of Health, kabilang na ang mga professional fee ng mga manggagamot, dental fees, diagnostic at laboratory fee sa mga pribadong ospital, medical facilities, outpatient clinics at home healthcare services.
Upang makakuha naman aniya ng diskwento sa merchant ang mga senior citizen at PWDs, bago mag-oder online, kailangang makapagpakita sila ng mga dokumento, gaya ng scanned copy o screenshot ng kanilang ID at ang harap at huling pahina ng kanilang purchase booklet.
Pahayag ni Lopez, maari silang makakuha ng diskwento sa pagbili ng mga nasabing item kapag umabot ito sa mahigit P1,300 per calendar week, sa online at offline transactions, at walang carryover ng hindi kanilang mga unused amount.
Hindi naman aniya saklaw ng P1,300 limit ang mga restaurants.