Mapapasakamay na simula bukas ng mga matatanda at disabled pensioners ng GSIS ang kanilang Christmas cash gifts.
Ipinabatid ito ng GSIS kung saan naglaan ito ng halos tatlong bilyong Piso para sa pension ng mga may kapansanan at mga Senior Citizens na pensioners nila.
Ayon sa GSIS ang mga pensioner na tumanggap ng mahigit 10,000 Christmas Cash Gift nuong 2016 ay tatanggap ng cash gift ngayong taon na katumbas ng kasalukuyang buwanang pensyon hanggang 12, 600 Pesos.
Samantalang ang mga nakatanggap ng 10,000 Piso pababang cash gift nuong nakalipas na taon ay tatanggap din ng regalong katumbas ng kasalukuyang pension subalit hindi lalampas ng 10,000 Piso.
Inihayag pa ng GSIS na ang mga retiree na nag avail ng five year lump sum retirement benefit at balik na sa regular monthly pension matapos ang December 31, 2016 ay makakatanggap din ng cash gift basta’t maibalik lamang sa active status sa April 30, 2018.
Ang mga pensioner namang nakatira sa abroad at nasa ARMM na mayruong suspended status hanggang December 31, 2017 ay makakatanggap din ng cash gift bastat maibalik sa active status sa April 30, 2018.
Ang mga bagong retiree naman mula 2013 hanggang 2017 na nag avail ng agarang pension sa ilalim ng Republic Act 8291 ay makakatanggap ng cash gift, limang taon makalipas ang kanilang retirement date
Habang ang mga umalis o naalis sa trabaho mula 2016 hanggang 2017 bago narating ang edad na 60 at nagsimula nang tumanggap ng regular monthly pension sa pagitan ng 2013 at 2017 ay entitled sa cash gift makalipas ang limang taon mula nang magsimulang tumanggap ng regular pension.