Aminado ang Department of Education (DepEd) na kulang pa rin ang bilang ng mga silid-aralan sa National Capital Region (NCR) at CALABARZON, dalawang linggo bago magsimula ang school year 2022-2023.
Ayon kay Education Spokesperson, Atty. Michael Poa, dumami ang bilang ng mga mag-aaral sa dalawang rehiyon ngayong taon kaya nagkulang ang mga silid-aralan.
Bilang solusyon, ikinukonsidera ng kagawaran na magpatupad muli ng doble hanggang tripleng shifts at blended learning para maiwasan ang siksikan sa kwarto.
Samantala, para sa mga lugar na sinalanta ng mga sakuna ay pinaplano rin ng kagawaran na magamit ang mga covered court bilang classroom.
Sa August 15 ilulunsad ng DepEd ang Oplan Balik Eskwela Command Center para matiyak na magiging maayos ang pagsisimula ng klase sa August 22.