Dagsa ngayong araw ang mga Katoliko sa mga simbahan bilang paggunita sa Miercoles de Ceniza o Ash Wednesday.
Ito ang simula ng Kuwaresma o apatnapung (40) araw na paghahanda para sa mga Semana Santa o Holy Week kung saan, ginugunita ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo.
Batay sa turo ng simbahan, obligado ang mga Katoliko na mag-ayuno tuwing Ash Wednesday, Palm Sunday at Good Friday kung saan, one full meal at dalawang small meals lamang ang maaaring kainin sa buong araw.
Itinuturing ding pag-aayuno ang paglilimita sa mga luho at makamundong bagay sa halip, mas mainam kung ibibigay ito sa kawang gawa.
Dito rin ipinatutupad ang abstinence kung saan, bawal ang pagkain ng anumang uri ng red meat gayundin ang pakikipagtalik.
Sa panahon ding ito hinihikayat ang mga Katoliko na mangumpisal sa lahat ng mga nagawang kasalanan at magngilay-nilay.
Samantala, mabigat ang daloy ng trapiko sa mga kilalang simbahan sa Metro Manila ngayong Miyerkules de Ceniza o ang unang araw ng Kuwaresma.
Usad pagong ang daloy ng mga sasakyan sa northbound lane ng Roxas Blvd sa bahagi ng Baclaran sa Parañaque partikular sa harap ng Redemptorist Church.
Maliban sa Ash Wednesday, nataon ding unang Miyerkules ng buwan kaya’t dagsa ang mga deboto lalo pa’t araw ngayon ng pagsisimba sa Baclaran.
Nagsikip din ang daloy ng trapiko sa Quezon Blvd partikular na sa Basilika ng Nazareno sa Quiapo, Maynila kahit araw ng Miyerkules para sa nasabing okasyon.
Ngayon ang unang araw ng Kuwaresma o ang apatnapung (40) araw na paghahanda para sa mga Semana Santa o Mahal na Araw na magsisimula sa Abril 10 hanggang 15.
By Jaymark Dagala