Umapela ang mga lokal na opisyal sa Bicol Region lalo na sa mga residenteng malapit sa 6-kilometer radius danger zone ng Bulkang Mayon na lumikas at huwag munang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan.
Ito ay makaraang mapaulat na may ilan pa ring mga residente ang pilit na binabalikan ang kani-kanilang mga ari-arian sa loob ng permanent danger zone sa kabila ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Kasunod nito, nanawagan naman si Legazpi Archbishop Joel Baylon sa publiko na magkasa ng mga pag-iingat at manalangin sa Diyos na huwag nang lumala pa ang sitwasyon sa kanilang lugar.
Naki-usap din ang Arsobispo sa mga residente na makinig sa mga awtoridad hinggil sa pagpapalikas gayundin sa mga babalang ipinalalabas ng mga ito bilang bahagi ng pagtitiyak sa kanilang kaligtasan.
Sa huli, inihayag ni Archbishop Baylon na handa silang magbigay ayuda sa mga naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon at bubuksan din nila ang lahat ng mga simbahan sa kaniyang nasasakupan para sa mga ito.