Walang natatanggap na banta sa mga simbahan sa kamaynilaan.
Ito ang tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Guillermo Eleazar kasabay ng kanilang isinagawang simulation exercises bilang bahagi ng pagpapaigting ng kanilang operasyon laban sa posibleng banta ng terorista.
Ayon kay Eleazar, bahagi ito ng kanilang preparasyon sa darating na Semana Santa.
Kabilang sa kanilang ikinasang simulation exercise ang pagresponde ng Manila Police District (MPD) at rescue units sa kunwaring insidente ng pagsabog at pamamaril sa labas ng Manila Cathedral at San Agustin Church sa Intramuros.
Makatutulong ito ani Eleazar para maging handa ang pulisya sa kahalintulad na pangyayari sa Jolo bombing noong Enero.
Samantala mananatili namang nakaalerto ang pulisya para maiwasan ang anumang uri ng insidente sa Semana Santa.