Puspusan na ang preparasyon ng iba’t ibang simbahan sa Metro Manila para sa tradisyunal na Misa de Gallo o Simbang Gabi at iba pang aktibidad, dalawang linggo bago mag-pasko.
Kabilang sa mga naghahanda ang Quiapo Church, Santo Niño de Tondo Parish sa Maynila at Baclaran Church sa Baclaran, Parañaque.
Una nang inihayag ni Quiapo Church Parochial Vicar, Father Douglas Badong na tanging mga bakunado ang papasukin sa simbahan at hanggang 50% lamang ang kapasidad sa loob.
Magkakaroon ng misa ng alas-4 at alas-5 ng madaling araw mula December 16 at Anticipated Mass ala-7 at alas otso ng gabi simula naman sa December 15.
Nag-organisa rin ang pamunuan ng Quiapo Church katuwang ang ibang simbahan para sa Simbang Gabi sa Liwasang Bonifacio nang ala-7 ng gabi.
Samantala, nagbabala naman ang Manila Police District sa mga deboto na mag-ingat sa modus ng mga kawatan at sumunod sa minimum public health protocols.