Tatargetin ng DSWD ang mga sindikato sa likod ng pagdagsa ng mga indigenous people o katutubo sa metro manila tuwing mag-pa-pasko para manglimos.
Ito ang kinumpirma ni DSWD secretary Erwin Tulfo kasabay ng nagpapatuloy na pagsagip ng ahensya sa mga katutubo, tulad ng mga aeta at badjao na madalas nakikitang sumasampa sa mga jeep upang manghingi ng pera sa mga pasahero.
Ayon kay Tulfo, mayroong grupo na nag-a-accommodate sa mga Indigenous People (I.P.) kaya’t nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa mga Local Government Unit upang matiyak na hindi na mabibiktima muli ang mga katutubo.
Batay anya sa pagtaya ng Kagawaran, nasa P4,000 hanggang P5,000 kada araw ang kinikita ng mga I.P. sa panlilimos.
Sa ngayon ay nasa 130 I.P., na karamiha’y Tausug ang pinauwi sa kani-kanilang probinsya simula pa noong Huwebes.
Nilinaw naman ng Kalihim na hindi mismo sa mga katutubo i-aabot ang perang ipinangako ng DSWD kundi ang provincial Social Welfare Office ang inatasang mamamahagi ng P10,000 na ayuda.