Hinikayat ng mga siyentipiko ang publiko na magpabakuna na ng 2nd booster shot sakaling payagan na ito sa gitna ng strain ng Omicron variant na nagdudulot ng panibagong pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo.
Ayon sa viral immunologist mula sa University of Newcastle sa Britain na si Nathan Bartlett ang kasalukuyang COVID-19 vaccines ay hindi nagbibigay ng malakas at matagal na proteksyon gayunman ang pagpapalakas sa Anti-bodies na may back-up ng Ika-4 na dose ay nagpoprotekta laban sa malubhang sakit at pagkamatay.
Habang ayon naman kay Pharmaceutical Medicine Professor Penelope Ward, bumababa mula sa 90% hanggang 75% ang lebel ng proteksyon laban sa mga malalang sakit ng mga indibidwal na naturukan ng bakuna anim na buwan na ang nakalilipas.
Batay naman sa pag-aaral na isinagawa ng Unibersidad ng Tel Aviv sa Israel, bumaba ang mga na-oospital ng nasa 64% hanggang 67% simula nang mabakunahan ng Ika-4 na dose o 2nd booster shot sa bansa habang bumababa rin ang panganib sa pagkamatay sa 72%.