Nasa apatnapung opisyal ng Department of Finance, Bureau of Customs at iba pang ahensya ng gobyerno ang ipatatawag sa isasagawang imbestigasyon ng House Committee on Ways and Means sa talamak na smuggling ng mga produktong agrikultura sa bansa.
Pursigido si Committee Chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na mabigyang-linaw at karampatang aksyon ang pamamayagpag umano ng mayayamang smuggler.
Inaasahang gigisahin ng Kongresista at iba pang miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso sina Finance Secretary Ben Diokno at Customs Commissioner Yogi Ruiz sa naturang issue.
Ayon kay Salceda, “hindi na katanggap-tanggap” ang sitwasyon dahil bukod sa pinagmumulan ito ng korapsyon, ito rin ang pumapatay sa lokal na industriya, sa gitna ng nararanasang krisis sa pagkain.
Handa anya sila sa Kongreso na pangalanan at ibunyag ang sinumang mga sangkot sa tamang panahon pero sa ngayon ay kanila munang po-protektahan ang kanilang resource persons.
Magugunitang napaulat na mayroon umanong tatlo hanggang apat na malalaking smuggler ang nag-o-operate sa bansa.
Kabilang sa tututukan ang operasyon ng isang alyas “amina” na tinaguriang “smuggling queen” dahil malakas umano ang kapit sa Department of Finance at BOC.