Nanawagan ang ilang kongresista kay Ralph Trangia, ang University of Santo Tomas Law student na isa sa mga suspek sa pagpatay kay Horacio “Atio” Castillo III na ikanta lahat ng nalalaman sa kaso.
Sabi ni Kabayan Party-list Representative Ron Salo, dapat ay pamarisan ng iba pang kasapi ng Aegis Juris Fraternity ang ginawang paglantad ng kanilang brod na si Trangia.
Nanawagan din siya sa iba pang suspek na sumuko na. Kung wala umano silang kasalanan, katotohanan ang siyang poprotekta sa kanila.
September 19, 2017 o isang araw matapos ang pagkamatay ni Atio, lumipad patungong Taipei bago nagtungo sa Chicago, USA si Trangia. Nitong October 10 lamang siya bumalik sa Pilipinas.
Kamakailan, nanawagan si Salo sa Philippine National Police at Department of Justice na bigyan ng ultimatum si Trangia para sumuko na. Si Trangia ay kabilang sa 18 suspek na kinasuhan ng murder, robbery, at paglabag sa Anti-Hazing Law kaugnay ng pagkamatay ni Atio.
Sabi naman ni Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera-Dy, may pag-asa pang magkaroon ng maayos na kinabukasan si Trangia kung agad itong magsasabi ng katotohanan.
“Bilang may-akda ng Revised Anti-Hazing Bill sa House of Representatives, nais kong malaman kung ang mga probisyon ng panukalang batas ay epektibong makakatugon para mapigilan ang mga kahalintulad na pangyayari sa hinaharap.”
Nais ding malaman ni Herrera-Dy kung sapat na nga ba ang kasalukuyang umiiral na Anti-Hazing Act of 1995 para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Atio.
Bilang mga lider ng Kamara na nagsusulong ng Revised Anti-Hazing bill, nagpahayag sina Assistant Majority Leader Salo at House Public Information Chair Herrera-Dy na patuloy nilang mamatyagan ang kaso ng hazing death ni Atio.
—-