Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na tanging ang mga presong kabilang sa listahan na ibibigay sa kanila ng Bureau of Corrections o BuCor ang magiging target lamang ng ikakasa nilang manhunt operations.
Ito’y makaraang ihayag ng Department of Justice na marami sa mga tinatawag na ex-convict ang tumatangging umalis ng NBP matapos sumuko kahit wala naman sa listahan ng unang napalaya dahil sa umiiral na GCTA o Good Conduct Time Allowance Law.
Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, hinihintay na lang nila ang updated at nalinis nang listahan ng BuCor kaya’t wala aniyang dapat ikabahala ang mga naturang preso.
Una rito, sinabi ni DOJ Spokesman Usec. Markk Perete na kaya ayaw umalis ng NBP ang mga sumukong ex-convict pero wala sa listahan ng BuCor ay dahil nangangamba ang mga ito sa kanilang kaligtasan .
Ito ang dahilan kaya’t humihingi ng sertipikasyon ang mga nasabing preso sa BuCor na nagsasaad na malinis na sila at hindi na kailangan pang muling arestuhin ng mga pulis bagay na pagbibigyan naman ng DOJ. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)