Ginagawa lamang ng mga sundalo ang kanilang tungkulin na tapusin ang rebelyon sa pamamagitan ng pag-aresto at pagpatay sa mga rebelde.
Ito ang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte nang matanong kaugnay sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao ng mga taga-Marawi sa press conference pagkatapos ng kanyang SONA kahapon.
Ayon kay Pangulong Duterte, “in good faith” ang mga sundalo at pulis sa pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao.
Aniya, kabilang sa mandato na mga ito ang kontrolin ang mga sibilyan, puwersahing palabasin o paalisin sa kani-kanilang mga bahay at pagbawalan na papasukin sa ilang lugar.
Binigyang diin din ng Pangulo ang opinyon ni Justice Mendoza na ang maituturing lamang na human rights abuse ay rape o pagsasamantala sa nga kababaihan.
Kaugnay nito, mas tumaas pa ang morale ng mga sundalong nakikipagbakbakan sa Marawi City.
Ito ay ayon kay Captain Joan Petinglay, matapos na kanilang mapanood ang ikalawang SONA ni Pangulong Duterte kung saan binanggit ang pagpapaigting sa kakayahan at mga kagamitan ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Aniya, lalong naging determinado ang mga sundalo na tapusin ang kaguluhan at tuluyang mabawi ang Marawi City mula sa teroristang grupong Maute.
Dagdag ni Petinglay, magiging motibasyon nila ang mga bagong pangako ng Pangulo para sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.
By Krista de Dios
Mga sundalo at pulis ‘in good faith’ sa pagpapatupad ng Martial Law—Duterte was last modified: July 25th, 2017 by DWIZ 882