Labis ang pasasalamat ng pamunuan ng Western Mindanao Command o WESMINCOM ng AFP sa mga Sundalo gayundin sa mga Sibilyang handang mag-alay ng kanilang sarili para sa bayan
Ito ang tinuran ni WESMINCOM Chief Lt/Gen. Corleto Vinluan Jr makaraang gawaran nito ng parangal ang mga itinuring din niyang mga bayani na rumesponde matapos ang malagim na pagbagsak ng C130 hercules aircraft sa bahagi ng Patikul, Sulu.
Ayon kay WESMINCOM Spokesman Col. Alaric delos Santos, binigyan ng medalya at plaka ang mga miyembro ng Civilian Active Auxillary ng Bangkal CAA Patrol Base at mga Sundalo mula sa iba’t ibang unit ng Joint Task Force Sulu.
Maliban sa mga nabanggit, binigyang pagkilala rin ang ilan mula sa Provincial Government ng Sulu, Municipal Government ng Patikul, Sulu Provincial Police Office, Ministry of Social Services and Development, Integrated Provincial Health Office, Philippine Red Cross-Sulu Chapter at iba pang mga grupo na hindi nag-atubuling tumulong para sa sagipin ang mga nabiktima ng trahedya.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)