Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling tapat sa konstitusyon at sa kanilang sinumpaang tungkulin ang lahat ng sundalo sa bansa.
Tugon ito ni AFP Spokesman Brigadier General Edgar Arevalo sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na ilang sundalo ang nakikipagsabwatan sa Liberal Party (LP) para pabagsakin siya sa puwesto.
Binigyang diin ni Arevalo na sigurado ang pamunuan ng AFP sa katapatan ng mga sundalo sa konstitusyon kaya’t hindi na kailangan ng loyalty check.
Sapat naman aniya ang counter intelligence network ng militar para malaman kung totoo ang alegasyon na mayroong mga sundalong naliligaw na naman ng landas.
Una nang iminungkahi ni Senador Panfilo Lacson ang loyalty check sa AFP matapos magpahayag ng hinanakit ang Pangulong Duterte sa mga sundalong nakikipagsabwatan di umano para patalsikin siya sa puwesto.
—-