Inatasan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang mga noncombatant personnel na tumulong sa nalalapit na Halalan sa Mayo 2022.
Ito’y bila ng pagtalima sa resolusyon ng Commission on Elections (COMELEC) na nag-deputize sa AFP para tiyakin na malinis, malaya, maayos, tapat, mapayapa at kapani-paniwala ang halalan.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Jorry Baclor, huhugot sila ng mga tauhan mula sa iba’t ibang Headquarters ng AFP para magduty para sa Halalan partikular ang pagbabantay ng polling places, voting centers, canvassing centers gayundin sa mga election paraphernalia at seguridad ng mga COMELEC representative.
Dagdag pa ni Baclor, ito’y upang hindi makasagabal sa trabaho ng mga sundalo na kasalukuyang naka-assign sa Internal Security at Law Enforcement Operations katuwang ang Philippine National Police (PNP).
Tiniyak din ni Col. Baclor sa availability ng kanilang Land, Air at Sea assets, communication systems at iba pang logistical requirements ng COMELEC lalo na sa mga liblib na lugar. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)