Sumugod sa tapat ng Court of Appeals sa Ermita, Maynila ang mga supporter ng human trafficking victim na si Mary Jane Veloso.
Ito’y upang ihirit sa C.A. na payagan si Veloso na makapagbigay ng testimonya kahit nakapiit sa Indonesia dahil sa kasong drug-trafficking.
Kabilang sa mga nag-picket ang mga miyembro ng Migrante International at Church Task Force to Save Mary Jane kasabay ng isinagawang hearing ng Nueva Ecija Regional Trial Court hinggil sa illegal human trafficking case laban sa mga recruiter ni Veloso na sina Maria Christina Sergio at Julius Lacanilao.
Nagpadala na rin ang mga naturang grupo ng liham sa Appellate Court na humihiling bigyan si Mary Jane ng patas na oportunidad upang lalo’t ginarantiyahan din ng Korte ang karapatan nina Sergio at Lacanilao.
Isinama sa naturang liham ang isang petisyon na nilagdaan ng mahigit 200,000 katao na suportado ang paghahayag ng katotohanan ni Veloso.