Nahaharap sa patong-patong na kaso ang mga tauhan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) na nakabase sa Laguna gayundin ang 3 sibilyang kasabwat ng mga ito.
Kaugnay ito ng kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Rodrigo Dueña at kasama nitong si Jaime Faramil noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, PMGen. Eliseo Cruz ang mga suspek na sina P/Lt. Emerson Custodio, P/CMSgt. Lian Manalo, P/Cpl. Alfie Reyes, P/SSgt. Carlito Jimeno.
Gayundin sina Ranilex Ramirez Mendoza alias “Abong Ramirez Mendoza”, William Bawalan Dagotdot, Jr. (na nagtatago sa mga pangalang “Irene De Guzman” at “Olayres Albert” sa Facebook) at isang John Doe.
Pormal na isinampa ng CIDG sa Tayabas Prosecutor’s Office ang mga reklamong Carnapping, Kidnapping and Homicide, Kidnapping and Serious Illegal Detention at Obstruction of Justice laban sa mga akusado matapos mapatunayan ang kanilang papel sa kaso.
Disyembre a-30, 2021 nang nakita ang bangkay ng biktimang si Dueña sa Brgy. Ibabang Bukal saTayabas City ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang kasamahang si Faramil.
Disyembre a-26 nang umalis ang mga ito sa Naga City upang bumili ng sasakyan sa kausap niya online na gumamit ng pangalang Irene De Guzman na kalaunan ay isa palang lalaki na kasabwat ng mga Pulis sa kanilang Ilegal na gawain. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)