Umapela na si Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa mga nagtatagong suspek sa pagkamatay ni University of Santo Tomas (UST) hazing victim Horacio Castillo III na sumuko na.
Ayon kay Dela Rosa, naniniwala siyang hindi masamang tao ang mga ka – ‘brod’ ni Castillo kaya’t dapat makonsensiya at harapin na lamang ng mga ito ang kanilang ginawa.
Babala ni Dela Rosa maaaring maaresto ang mga hinahanap na miyembro ng Aegis Juris Fraternity sa bisa ng doktrina ng hot pursuit.
Kumpiyansa naman si Dela Rosa na sakaling matunton ng mga pulis, hindi manlalaban ang mga miyembro ng frat dahil sila’y edukado.
Samantala, hinimok naman ni University of Santo Tomas Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina ang lahat ng may nalalamang impormasyon sa pagkamatay umano sa hazing ng law student na si Horacio Castillo na tumulong sa imbestigasyon.
Ayon kay Divina, na miyembro rin Aegis Juris Fraternity, kung mananahimik ang mga may nalalaman sa krimen ay hindi makakamit ang katarungan at magiging mahirap lamang ang pagresolba sa kaso.
Dapat din aniyang akuin na ng mga sangkot sa pagkamatay ni Castillo ang krimen lalo na kung may malakas namang ebidensya laban sa kanila.
Iginiit ni Divina na ito lamang ang tamang paraan upang magkaroon ng linaw ang kaso at isiwalat ang katotohanan na makapagbibigay ng kapayapaan sa bawat isa.
Magugunitang nakalabas ng bansa ang isa sa mga suspek si Ralph Trangia batay sa impormasyon ng Bureau of Immigration (BI).