Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroong diplomatic immunity ang 2 suspek sa pagpatay sa 2 Chinese diplomat sa Cebu.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na may immunity mula sa criminal jurisdiction sa ilalim ng Vienna Convention ang mga suspek na sina Li Qing Liang at Guo Jing.
Alinsunod aniya sa hiling ng Chinese Embassy ay nasa kustodiya pansamantala ng mga otoridad sa Cebu ang dalawa hangga’t hindi pa dumarating ang kanilang security team mula Beijing bago i-turn over sa mga Chinese authority.
Aniya, sasailalim ang mga suspek sa legal proceeding sa China at nirerespeto rin ng Pilipinas ang karapatan ng dalawa na tumangging magbigay ng salaysay sa Philippine National Police (PNP).
“Dahil nga po accredited diplomats po sila dito sa Pilipinas meron po silang diplomatic immunity under ng Vienna Convention, hindi po sila puwedeng mapapailalim sa criminal jurisdiction ng kanilang host government, so right from the beginning ay hindi po sila puwedeng ma-detain at hindi po sila puwedeng litisin dito.” Pahayag ni Jose.
PNP custody
Nananatili sa custody ng Philippine National Police (PNP) sa Cebu City ang Chinese diplomat na suspek sa pagpatay sa dalawang kapwa Chinese diplomat at nakasugat kay Chinese Consul General Song Ronghua.
Ayon kay Assistant Secretary Charles Jose, Spokesman ng Department of Foreign Affairs (DFA), mismong ang Chinese Embassy ang humiling na pansamantalang ilagay sa custody ng PNP Cebu ang suspect na si Li Quing Liang.
Gayunman, obligado aniya ang Pilipinas na ibigay sa China ang custody sa suspect sa sandaling hilingin nila ito dahil absolute ang immunity ng isang diplomat.
Ipinaliwanag ni Jose na kahit pa lumabas na illegal o walang permit ang baril na naipasok ni Li sa loob ng restaurant sa Cebu City, hindi pa rin ito puwedeng kasuhan o litisin dito sa Pilipinas.
“For example lang po ang naging biktima ay Pilipino at ang suspek po ay diplomat, mag-aaply pa rin po ang provisions ng Vienna Convention, mag-eenjoy pa rin po sila ng immunity, hindi pa rin po sila puwedeng kasuhan at i-tried po dito sa Pilipinas.” Pahayag ni Jose.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit