May apat nang suspek ang awtoridad sa pagpatay sa Overseas Filipino Worker o OFW na natagpuan sa isang septic tank sa South Korea.
Batay umano sa paunang impormasyong nakuha ng Iloilo Police sa South Korean Police, ang apat na posibleng suspek ay pawang mga kaibigan ng biktimang si Michael Angelo Claveria.
Tinitignan rin ang anggulo na posibleng inggit sa biktima ang motibo sa krimen.
Unang taon lamang ni Michael Angelo sa South Korea bilang factory worker noong 2016 nang mapaulat itong nawawala.
Natagpuan ang kanyang kalansay sa isang septic noong Abril.
Sa kasalukuyan ay prinoproseso na ng Department of Foreign Affairs o DFA ang pag-uwi sa bansa ng labi ni Michael Angelo.
—-