Inirereklamo na ng mga customer ng Manila Water ang nararanasang krisis sa supply ng tubig.
Nasa dalawandaan pitumpu’t tatlong (273) barangay na sa Metro Manila at Rizal Province ang apektado ng limang araw na water crisis dahil sa patuloy na pagbaba ng antas tubig sa La Mesa dam na kasalukuyang nasa critical level.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Barangay Oranbo, Pasig at Barangka Itaas, Mandaluyong, kanya-kanyang diskarte ang mga residente sa pagkuha ng tubig.
Ayon kay Barangka Itaas Kagawad Jose Romulo Nario, halos hindi na natutulog ang mga residente para lamang makakuha ng tubig sa fire truck.
Mga residente sa Brgy. Barangka Mandaluyong, nakapila para sa rasyong tubig ng Manila Water | via Eugene Castro pic.twitter.com/6RfdTFk5ua
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 11, 2019
EARLIER:
Mga residente ng Brgy. Itaas sa Mandaluyong City, pila para sa ibinibigay na rasyon ng tubig ng mga fire volunteer | via @gilbertperdez pic.twitter.com/JBPyNjWJ35— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 11, 2019
Palaisipan naman sa PAGASA at Metropolitan Water Sewerage System o MWSS kung paano humantong sa krisis sa tubig ang limang araw na kawalan ng supply ng mga customer ng Manila Water.
Ayon kay Rusy Abastillas ng PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section, hindi maaaring i-ugnay ang nararanasang service interruption ng Manila Water sa El Niño phenomenon.
Bagaman unti-unting bumababa ang lebel ng tubig sa La Mesa dam, nananatiling normal ang water level sa ilang dam tulad sa Angat na pangunahing pinagkukunan ng supply ng Metro Manila.
Nilinaw naman ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco na maka-ilang ulit na niyang binanggit na “reserba” lamang ang La Mesa dam pero ipinagpatuloy pa rin ang pagkuha ng supply ng tubig mula rito na dapat ay magmula sa Angat.
Nagtataka rin si Velasco dahil tanging ang Manila Water ang mayroong service interruption pero wala namang nararanasan ang Maynilad na nasa west zone gayong sa Angat dam din naman ito kumukuha ng supply.
Hindi rin aniya apektado sa ngayon ang Maynilad ng El Niño kahit pa “direkta” itong kumukuha ng supply ng tubig.
NWRB nanawagang magtipid at mag-recycle ng tubig
Samantala, muling nanawagan ang National Water Resources Board o NWRB sa publiko na magtipid ng tubig upang maiwasan kakapusan ng supply.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., makakatulong para mapahaba ang suplay ng tubig kung tama ang magiging paggamit dito gaya ng pagre-recycle.
Samantala, aminado si David na dahil sa patuloy na paglobo ng populasyon ay kinakailangan nang makahanap ng iba pang maaaring pagkunan ng tubig upang maiwasan ang banta ng water shortage.
Matatandaang kahapon ay bumagsak na sa kritikal na lebel ang tubig sa La Mesa dam na pinagkukunan ng tubig ng Manila Water.
—-