Kapwa pumalag ang Liberal Party at ang Magdalo Partlylist sa bintang ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakikipag-ugnayan na sila sa Partido Komunista ng Pilipinas o CPP-NPA-NDF.
Ito’y makaraang ibunyag ng Pangulo sa kaniyang pagbabalik bansa mula sa Israel at Jordan na may tatlong grupo aniya na nagbabalak pabagsakin ang kaniyang administrasyon at patalsikin umano siya sa puwesto.
Ayon kay Robredo, batid naman nila kung ano ang papel ng mga komunista sa lipunan kaya’t malabo na makipag-ugnayan pa sila rito para lamang umano sa adhikaing palitan ang liderato sa gobyerno.
Malabo rin aniyang isisi lagi sa LP ang alinmang mga problemang kinahaharap ng kasalukuyang liderato pero hindi ito nangangahulugang tatahimik na sila sa pagsasalita sa mga usapin.
Sa panig naman ni Magdalo Rep. Gary Alejano, isang malinaw na panloloko lamang umano ni Pangulong Duterte sa taumbayan ang akusasyon nito laban sa kanila.
Taliwas aniya sa layunin at adhikain ng Magdalo ang mga isinusulong ng komunistang grupo subalit hindi naman nito itinanggi na may pakikipag-ugnayan na sila sa Liberal Party.
Magugunitang sinabi ng pangulo kahapon kasabay ng kaniyang pagbabalik bansa na hinihikayat umano ni Senador Antonio Trillanes ang maka-kaliwang grupo na labanan ang pamahalaan.
“Yang tatlong yan bantayan ninyo. Yang tatlo na yan, konektado lahat yan. Ang problema dito kay Trillanes, he is also playing with the Communist Party of the Philippines, pero alam ko na noon pa, gusto nila ring pumasok sa PMA, na may mga kadete na hinihila nila…”