Daan – daang government worker at barangay volunteer mula sa iba’t ibang lugar ang dumating lulan ng hindi baba sa anim na bus ang dumating sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila bilang suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Isinabay ang pro-government rally ng mga supporter ng Pangulo sa sinasabing malawakang kilos protesta ng iba’t ibang militanteng grupong kontra extra – judicial killings (EJK’s) ngayong National Day of Protest.
Kabilang sa mga dumating ang mga Duterte supporter mula Valenzuela, Caloocan at San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ngayon ay nasa 1,400 pulis na ang naka-deploy sa Plaza Miranda para magbigay seguridad sa rally na inorganisa ng ilang government official tulad nina Energy Secretary Alfonso Cusi at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Board Member Benny Antiporda.
Nilinaw naman ni Antiporda na wala silang tauhan mula sa SBMA na inimbita dahil sarili nilang desisyon ang sumugod sa Plaza Miranda bilang suporta kay Pangulong Duterte.
Aminado naman ang SBMA official na isasagawa sana nila ang kanilang pro-government rally sa Luneta subalit nagpasya sila na sa Quiapo na lamang upang maiwasan gulo.
Samantala, nag-issue naman ang LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng special permits sa dalawampu’t dalawang (22) bus at dalawampu (20) na nagsisilbing shuttle service.
Inaasahang aabot sa halos 50,000 ang supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasagawa ng pro-administration rally sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.