Isa sa mga madalas tinatambayan o ginagawang meeting place ng maraming Pilipino ang sikat na sikat na coffee shop na Starbucks.
Pero kung isa ka sa mga tambay dito, dapat lang alam mo na nag-iba na ang timpla ng polisiya rito.
Kung ano ang mga nagbago, alamin.
Kasunod ng pagpapalit ng CEO ng Starbucks, nagbago rin ang dati nitong store policy na nagsimula seven years ago na “Open-door Policy” na siyang nagbigay ng pahintulot sa mga non-paying customers na gumamit ng kanilang facilities.
September nang nakaraang taon ng magsimula si Brian Niccol bilang bagong Chairman at Chief Executive Officer ng Starbucks.
At nito lamang January 13 ay in-announce ng Starbucks na babaguhin na ang kanilang Open-door Policy para bigyang prayoridad ang kanilang paying customers.
Sa isang pahayag, sinabi ng Director of Corporate Communications na si Jaci Anderson na gusto raw nila na maging komportable ang kanilang paying customers at makatutulong ang pag-iimplementa ng coffeehouse code of conduct.
Ang ibig sabihin ng bagong polisiya ay tanging mga paying customer at partners lang ng Starbucks ang maaaring gumamit ng facilities ng coffee shop kabilang na ang patio at banyo nito.
Iba’t-iba naman ang naging reaksyon ng mga Pilipino sa balitang ito ngunit wag munang kabahan dahil ang mga pagbabago na ito ay applicable lamang sa mahigit sampung libong company-owned stores sa North America.
Ikaw, ano ang gagawin mo kapag inimplementa rin ito sa Pilipinas?