Binuwag na ang Joint Task Force Marawi at ang iba pang task group na binuo sa kasagsagan ng digmaan sa Marawi City, Lanao del Sur.
Sa ginanap na Mindanao Hour briefing sa Palasyo, sinabi ni AFP Spokesman Major General Restituto Padilla, tinanggal na nila ang lahat ng task group dahil natapos na ang bakbakan sa lungsod at nagtagumpay ang misyon na pulbusin ang teroristang grupong Maute – ISIS.
Ayon kay Padilla, dito na papasok ang Task Force Ranao na tututok sa rehabilitation at reconstruction effort ng gobyerno para sa tuluyang pagbangon ng Marawi.
Sa ngayon, nagpapatuloy aniya ang clearing operations ng tropa ng pamahalaan sa lungsod upang matiyak na wala nang naiwang mga improvised explosive device (IED) o anumang uri ng pampasabog.
Mga armas ng Maute planong wasakin
Suportado ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagwasak sa mga armas ng Maute – ISIS na narekober sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Lorenzana, mas maigi nang sirain ang mga armas sa halip na mapunta sa masamang kamay.
Hindi din naman siya sang-ayon na itago na lamang sa armory ng militar ang mga ito dahil posibleng na pag-interesan ito at ibenta ng ilang tiwaling opisyal ng gobyerno.
Ipinunto ni Lorenzana na hindi naman kailangan ng militar ng mga baril dahil mayroon pang mga paparating na armas mula Russia.